Mariing kinondena ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang pagharang at muntik na pagbangga ng Chinese Coast Guard sa barko ng Philippine Coast Guard na may sakay na mga mamamahayag malapit sa Ayungin Shoal.
Sabi ni Castro, ipinapakita ng insidente na tuso talaga ang China dahil habang sinasabi nito na bukas palagi ang kanilang mga linya ng komunikasyon para maiwasan ang tensyon at hindi pagkakaunawaan ay patuloy naman ang pag-atake nito sa ating coast guard na nagpapatrolya sa West Philippine Sea.
Bunsod nito ay iginiit ni Castro, na bukod sa paghahain ng diplomatic protest ay mainam na may ibang hakbang na gawin ang Pilipinas para mapigil ang pambu-bully sa atin ng China.
Pangunahing mungkahi ni Castro ang paghiling sa Asian Parliamentary Assembly and the Inter-Parliamentary Union o IPU na kondenahin ang nabanggit na mga gawain ng China.
Kasama rin sa mungkahi ni Castro na tayo ay makipag-ugnayan sa mga coast guards ng Vietnam, Malaysia, Indonesia, Brunei at Taiwan para sa pagsasagawa ng pinag-ibayong joint patrols sa mga lugar o bahagi ng karagatan na inaangkin ng China.