
Luma na at walang bago.
Ito ang naging pahayag ng grupong Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) sa pahayag ng China na pag-aari nila ang Palawan.
Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ng ABKD, ang mga pahayag na inaangkin ng China ang Palawan ay walang batayan.
Aniya, hindi ito sinusuportahan ng kasaysayan, batas, o anumang kasunduan kung saan ang Palawan ay malinaw na bahagi ng Pilipinas at kinikilala ito ng pandaigdigang komunidad na pinamamahalaan ng ating bansa sa mahabang panahon.
Giit ni Goitia, hindi na dapat paniwalaan ang mga kasinungalingan ng China lalo na’t alam ng lahat na nais lamang nitong sakupin ang mga pag-aari ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone (EEZ).
Matatag rin ang paninidigan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na ipaglaban ang nararapat sa bansa pero hindi ito idinadaan sa pananakot, bagay na sinusuportahan ng nasabing grupo.
Matatandaan na kinondena rin ni Goitia ang isa pang pahayag ng China hinggil sa pangangalaga nila sa Scarborough Shoal gayong sila mismo ang sumisira dito.










