Panibagong pambubully ng China sa bansa, kinukundena ng Senado

Kinukundena ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang panibago nanamang insidente ng pag-atake ng Chinese Coast Guard (CCG) sa barko ng bansa.

Ito’y matapos na bombahan ng tubig at magsagawa ng mapanganib na maniobra ang Chinese Coast Guard sa barko ng bansa na M/L Kalayaan habang nasa gitna ng resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Zubiri, dahil sa pinakahuling insidenteng ito ay makikita na sadyang bully ang China dahil sa paggamit ng kanyang laki at lakas para iligal na mapasok ang ating exclusive economic zone (EEZ) at igiit ang wala namang basehan na pagpapalayas sa ating Philippine Coast Guard (PCG).


Sinabi ni Zubiri na hindi mapapahinto ng pambobomba ng tubig at panghaharang ng China ang patuloy na pagprotekta at pagpapatrolya ng ating Navy at Coast Guard sa West Philippine Sea.

Pinuri din ng senador ang Navy at Coast Guard sa patuloy na paninindigan sa ating karapatan sa teritoryo kasabay ng pagtiyak na syento-por-syentong palaging nakasuporta ang Senado sa kanila.

Samantala, nanawagan naman si Senate Committee on National Defense and Security Chairman Senator Jinggoy Estrada sa pamahalaan na panahon na para ikunsidera ang inadopt na resolusyon sa Senado na nagrerekomendang maghain ng resolusyon sa United Nation General Assembly sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) para pagsabihan ang China na itigil ang harassment at mga paglabag sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).

Dahil aniya sa lumalalang panggagalit ng China sa Pilipinas ay wala na tayong mapipili pa kundi ang gawin ang tamang hakbang para igiit at protektahan ang ating sovereign rights sa ating exclusive economic zone.

Facebook Comments