Nadagdagan pa ang mga petisyon na inihain sa Korte Suprema na kumukwestyon sa ligalidad ng Anti-Terrorism Law.
Nagtungo rin kanina sa Supreme Court ang Nagkaisa Labor Coalition, Kilusang Mayo Uno at iba pang kaalyadong grupo para maghain ng kanilang petisyon.
Ito na ang ika-siyam na petisyon na inihain sa Korte Suprema laban sa Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Law na sisimulang ipatupad sa July 19, 2020.
Sa kanilang petition for certiorari and prohibition, humihirit ang naturang mga grupo na magpalabas ang Kataas-taasang Hukuman ng Temporary Restraining Order at Writ of Preliminary Injunction.
Ayon sa mga petitioner, nagkaroon ng grave abuse of discretion sa pagpasa ng naturang batas.
Respondents sa naturang petisyon ang Office of the President, at House of Representatives.
Ayon kay Nagkaisa Chairperson Atty. Sonny Matula, may mga probisyon sa naturang batas na labag sa constitutional rights to due process at banta sa freedom of expression, freedom of religion, karapatan sa malayang pagtitipon-tipon at iba pang karapatang pantao.
Una nang iniutos ng Korte Suprema ang consolidation ng naunang walong petisyon laban sa Anti-Terrorism Law.