
Sinampahan ng panibagong kaso sa Office of the Ombudsman ng mga grupo ng mga doktor mula sa Iloilo, health advocates, lawyers, at mga miyembro ng PhilHealth sina dating Department of Finance Secretary at kasalukuyang Executive Secretary Ralph Recto, at dating PhilHealth President at Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr.
Isinampa laban sa mga nasabing opisyal ang reklamong technical malversation, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, plunder, at grave misconduct.
Ayon kay Atty. Rodel Taton, abogado ng mga complainant, nag-ugat ang paghahain ng reklamo sa umano’y iligal na paglipat ng excess funds ng ahensya patungo sa unprogrammed appropriations sa ilalim ng Republic Act No. 11975 o ang 2024 General Appropriations Act.
Giit ng abogado, kung natuloy umano ang paglipat ng ₱29 bilyong pondo, tiyak na higit na maaapektuhan ang serbisyong pangkalusugan at ang taumbayan.
Hiling din ng grupo sa Ombudsman na magsagawa ng preliminary investigation upang matukoy ang posibleng criminal, civil, at administrative liability ng mga sangkot na opisyal.










