Kinumpirma ng Philippine National Police Criminal Investigation & Detection Group (PNP-CIDG) – Organized Crime Unit na nag-o-operate bilang iligal na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) ang sinalakay na mga gusali sa Parkview Villages sa Clark Freeport Zone, Mabalacat, Pampanga.
Ayon kay PNP CIDG -Organized Crime Unit Chief PLtCol. Ian Rosales nag-ugat ang raid base na rin sa sumbong ng ilang testigo na may nangyayari umanong iligal na POGO operations sa lugar.
Sinabi pa ng opisyal na sa nasabing operasyon naaresto ang dalawang Chinese nationals kung saan nasagip ang 13 POGO workers kabilang ang ilang menor de edad.
Aniya, lahat ng kanilang nasagip ay walang kaukulang dokumento tulad ng passport at kinulong din ang mga ito sa compound.
Ani Rosales, sinalakay ang nasabing illegal POGO hub sa bisa na rin ng pitong search warrant na inisyu ng 3rd Judicial Region court ng Guagua, Pampanga kaugnay ng posibleng paglabag sa illegal recruitment at human trafficking.
Nasabat sa operasyon ang ilang vault, dokumento at gadgets tulad ng cellphones at computers na subject ngayon ng pagsusuri ng mga awtoridad.
Samantala, dinala naman sa Kampo Krame ang mga naarestong Chinese nationals na sina Alyas Tiago at Tian Zhu para sa proper documentation & disposition.