Panibagong resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal, binuntutan at halos gitgitin ng mga barko ng China

Naging matagumpay ang panibagong resupply mission ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre kahapon.

Ito na ang ikatlong resupply mission ng bansa matapos ang insidente noong August 5 kung saan ginamitan ng water cannon ng China Coast Guard ang mga barko ng Pilipinas.

Gaya ng mga naunang operasyon, muling napasabak ang Philippine Coast Guard resupply mission team sa harassment at delikadong maniobra ng mga barko ng Tsina.


Sa video na ibinahagi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, makikita ang pagbuntot at halos paggitgit ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia vessels sa mga barko ng Pilipinas.

Kinondena ng National Task Force – West Philippine Sea ang iligal at agresibong kilos ng CCG at CMM sa Ayungin Shoal na sakop ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Samantala, sabi ni AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, ang resupply mission ay patunay ng determinasyon nila na ipaglaban ang karapatan ng bansa sa Ayungin Shoal.

Hindi aniya mapipigilan ng “unprofessional act” at “dangerous maneuvers” ng China ang pagsasagawa ng Pilipinas ng legal at lehitimong operasyon sa West Philippine Sea.

Nagpahayag naman ang China ng mahigpit na pagtutol sa resupply mission ng Pilipinas.

Ayon sa tagapagsalita ng China Coast Guard, pumasok ang mga barko ng Pilipinas sa Ayungin nang walang pahintulot ng kanilang gobyerno.

Iginiit ng China ang soberanya nito sa Nansha Islands, kabilang ang Ayungin Shoal na tinatawag nitong Ren’Ai Reef at mahigpit nilang tinututulan ang anila’y iligal na pagdadala ng Pilipinas ng construction materials sa BRP Sierra Madre.

Patuloy rin daw na magpapatupad ng law enforcement activities ang CCG sa mga dagat na sakop ng kanilang hurisdiksyon, alinsunod sa kanilang batas.

Facebook Comments