Naging matagumpay ang panibagong rotation and resupply mission ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kahapon.
Sa buradong post sa X (dating twitter), inilarawan ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla ang misyon na “flawless.”
Ito ay dahil walang nangyaring paghaharang sa mga barko ng Pilipinas na karaniwang ginagawa ng China.
Ito rin ang naging obserbasyon ng American Maritime Security Analyst na si Ray Powell.
Sa isang social media post, sinabi ni Powell na walang resistance na nangyari mula sa China at posibleng bunga ito ng kung anumang napagkasunduan dalawang bansa sa shanghai nitong Enero.
Kung totoo man, ito na ang ikalawang ro-re mission na walang kasamang media.
Pero paglilinaw ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, walang kinalaman sa naging pulong sa shanghai ang kawalan ng media sa misyon.
Nagpasya lang muna sila na huwag magsama ng media at iba pang sibilyan upang hindi sila mapahamak kasunod na rin ng mga nangyaring tensyon sa West Philippine Sea sa pinakahuli nitong resupply mission.