Muling nagsampa ang Public Attorney’s Office (PAO) ng karagdagang anim na kaso sa Department of Justice (DOJ) kaugnay sa pagkamatay ng mga batang naturukan ng Dengvaxia.
Ayon kay PAO Chief Persida Rueda-Acosta, ang anim na kaso ay idadagdag sa ika-apat na batch ng kaso laban sa mga opisyal ng pamahalaan na isinasangkot sa Dengvaxia controversy.
Sa kabuuan nasa 12 na ang naisampang kaso sa fourth Dengvaxia case.
Kabilang sa mga nagsampa ng kaso ang mga magulang nina Angelica Pulumbarit, 11 mula Bulacan; Maricel Manriza 12, Laguna; John Marky Ferrer, 11, Tarlac; Charmel Flordeliz, 10, Quezon; Jonell Dacquel,13, Nueva Ecija at Kenchie Ocfemia, 11 na taga Makati City.
Ayon kay Acosta ang isinampang Dengvaxia case kanina ay ika-44 na kaso na.
Posible aniyang madagdagan pa ang isasampang nilang kaso dahil 142 na labi ng mga batang naturukan ng Dengvaxia ang patuloy na isinasailalim sa autopsy ng PAO Forensic Team.