Panibagong spike sa COVID-19 cases sakaling buksan na ang mga sinehan, arcade at amusement centers, hindi na kakayanin ng bansa

Hindi na umano kakayanin ng bansa ang panibagong spike o pagtaas ng kaso ng COVID-19 araw-araw sakaling luwagan na ang quarantine restrictions at payagan na ang pagbubukas ng mga sinehan, arcade at iba pang amusement centers.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Games and Amusement Vice Chairman at 1-PACMAN Partylist Rep. Enrico Pineda na posibleng maging mitsa pa ang pagluwag sa COVID-19 restrictions para magpatupad ulit ng istriktong lockdown.

Para sa kongresista, mas mainam kung pananatilihin lang ngayon ang status quo habang hinihintay pa ang pagdating sa bansa ng bakuna kontra Coronavirus disease.


Nababahala si Pineda na sa pagbukas ulit ng mga sinehan, arcade at amusement centers ay tataas ang bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng Coronavirus sa Pilipinas, lalo pa’t may naitatalang mga kaso ng bagong strains ng COVID-19 na sinasabing mas nakakahawa.

Nananawagan din ang kongresista sa pamahalaan na madaliin na ang negosasyon sa pagbili ng mga bakuna upang sa gayon ay makakilos na ang lahat.

Facebook Comments