Pinahahanap na ng Department of Health (DOH) sa mga lokal na opisyal ang mga senior citizen na hindi pa nakatanggap ng bakuna sa kanilang mga komunidad.
Kasunod ito ng mababang bilang ng mga nabakunahan sa ikaapat na Bayanihan, Bakunahan noong nakalipas na linggo.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, pinalawig na nila ang mga istratehiya para madagdagan ang mga mabakunahan.
Kabilang aniya sa mga istratehiyang ito ang pagsuyod sa mga komunidad para matukoy kung sino pa ang dapat na mabigyan ng bakuna.
Sinabi ni Duque na maliban sa National Vaccination Day ay mayroon din pinalalawig na bakunahan sa mga terminals, sea ports, airports, land transport exchanges at mga eskwelahan.
Giit pa ng kalihim na nais niyang tutukan ng mga vaccination team ang mga senior citizen at may mga sakit para mabigyan ng kumpletong bakuna at booster shot.