
Tinatrabaho na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang panibagong subpoena laban kay dating Ako Bicol Partylist Congressman Zaldy Co.
Ayon kay ICI Executive Director Atty. Brian Hosaka, bineberipika na ng komisyon kung saan ang address ni Zaldy Co para mapaldahan ng subpoena.
Matatandaang no-show si Co sa unang pagpapatawag sa kaniya ng ICI noong October 14 na dapat ay kasabay ng pagharap ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa huling impormasyon, nasa Spain umano ang nagbitiw na kongresista.
Samantala, sinabi ni Hosaka na nagpapatuloy ang pag-aaral ng komisyon sa nasa 100-pahinang affidavit na isinumite ni Romualdez.
Uusisain aniya ng ICI commissioners ang kongresista sa muling pagharap nito sa hearing pero wala pang petsa kung kailan.
Una na niyang hiniling na ipagpaliban ang ikalawa niyang pagdinig na nakatakda sana kahapon dahil sasailalim umano siya sa medical procedure.









