Panibagong umano’y mga labi ng tao, narekober sa Taal lake —PNP

Nakarekober ng mga panibagong “possible human remains” mula sa Taal Lake.

Sinabi ni PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo na nakuha ang mga labi sa nakalipas na dalawang araw sa isinasagawang search and retrieval operation sa Taal Lake na may kaugnayan sa kaso ng mga missing sabungero.

Ani ni Fajardo, isasailalim ito sa masusing pagsusuri upang matukoy kung ang mga narekober ay tunay na sa mga labi ng tao.

Dagdag ni Fajardo, kung mapatunayang galing ito sa tao ay saka isasailalim ang mga ito sa cross matching sa DNA samples na ibinigay ng mga kaanak ng nawawalang sabungero.

Maliban sa mga buto, nakakita rin ang mga otoridad ng iba’t ibang personal na gamit tulad ng mga damit, tsinelas, sapatos, sombrero, at hoodie.

Hinimok naman ng PNP ang mga may nawawalang kaanak na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya kung sa tingin nila ay may pagkakapareho ang mga natagpuang gamit sa mga isinusuot ng kanilang nawawalang mahal sa buhay.

Hindi rin inaalis ng PNP ang posibilidad na bukod sa mga sabungero ay may iba pang biktima ng pagkawala na maaaring maiugnay sa mga natagpuang labi.

Facebook Comments