Paninindigan ng Senado kaugnay sa 2019 budget, hindi mababali

Tiniyak ni Senate President Tito Sotto III na hindi matitibag ang paninindigan ng senado na ilegal ang anumang pagbabago sa 2019 budget matapos itong lumusot sa bicameral conference committee at maratipikahan.

Tugon ito ni Sotto sa pahayag ni House Appropriations Chairman Rolando Andaya jr. na handa sila makipagdayalogo sa senado kaugnay sa isyu sa 2019 budget.

Pero ayon kay Andaya, hindi sila papayag na bumalik sa dating sistema  kung saan hindi naka-itemize o nakadetalye ang lump sum budget.


Paliwanag naman ni Sotto, hindi nila pinapabalik ang dating sistema ng lump-sum budgeting.

Ayon kay Sotto, ang kanilang iginigiit ay bawiin ng kamara ang lahat ng dagdag at bawas na ginawa nito sa 2019 budget pagkatapos na ito ay aprubahan sa bicam at maratipikahan.

Diin ni Sotto, malinaw ang itinatakda ng konstitusyon na hindi na maaring galawin ang pambansang budget na inaprubahan sa bicam at niratipikahan ng dalawang kapulungan.

Facebook Comments