Paninindigan ni Panelo na walang mass transport crisis, binara

Manila, Philippines – Sinopla ni House Deputy Minority Leader Carlos Zarate ang pagmamaliit ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi mass transport crisis ang nararanasan ng mga Pilipino sa kanilang biyahe araw-araw.

Ayon kay Zarate, hindi nakukuha ni Panelo ang punto sa paggawa nito ng “commute challenge” kanina.

Iginiit ni Zarate na huwag na sanang ipilit ni Panelo na walang mass transport crisis dahil sa hindi naman paralisado ang biyahe ng mga commuters at nakakarating pa naman sila sa mga pupuntahan.


Nilinaw ng kongresista na ang krisis ay nangangahulugan ng kahirapan o panganib na araw-araw hinaharap ng mga ordinaryong Pilipino sa lansangan.

Kung wala aniyang krisis sa transportasyon ay malapit na sana sa Baguio si Panelo sa halos 4 na oras na ibinyahe nito na malinaw na kasayangan ng oras at lakas ng mga commuters.

Aniya, ang layunin ng hamon sana ay ipakita sa pamahalaan at maranasan ang sakripisyo ng mga commuters makarating lamang sa kanilang mga paaralan at trabaho na dapat ay magresulta naman sa mabilis na pagtugon ng gobyerno sa pagsasaayos ng ating mass transportation system.

Facebook Comments