Manila, Philippines – Pinatitigil ni Senator Panfilo Lacson ang paniningil ng Manila Water sa mga customer nito ng gastos para maipatayo ang Cardona Water Treatment Plant.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, iginiit ni Lacson, na hindi makatwiran na pinagbabayad pa ang publiko sa nararanasang water interruption.
Aniya, inamin na ng Manila Water at ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS na may kakulangan sa suplay ng tubig dahil naantala ang operasyon ng Cardona Water Treatment Plant.
Mababatid na noon pang Disyembre ng nakaraan taong dapat natapos ang proyekto.
Pero paliwanag ni Manila Water President and CEO Engineer Fedinand Dela Cruz, naantala ang pagtatapos nito dahil nagkatagas ang tubo nito.
Bukod rito, kailangan rin aniya ng 28 araw na testing period para matiyak na ligtas inumin ang tubig mula sa nasabing planta.