Ipinagpaliban muna ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paniningil ng multa at iba pang bayarin sa lahat ng tanggapan nito sa buong bansa kung saan apektado ng Enhanced Commmunity Quarantine (ECQ) at Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Sa inilabas na resolusyon, naglatag ang LTFRB ng mga alituntunin para sa mga lugar na may mahigpit na quarantine classification.
Una rito ang confirmation of units kung saan ay lahat ng Public Utility Vehicles (PUV) na may plate number na nagtatapos sa 8 ay papayagang kumpirmahin ang kanilang unit hanggang Setyembre 30 na may waiver ng penalties.
Pangalawa, ang filing of extension of validity for Certificate of Public Convenience (CPC) na may expiry date mula 21 hanggang 31 ng Agosto.
Samantala, ang issuance naman ng provisional authorities at special permits na may expiry date ngayong Agosto ay pinalawig hanggang katapusan ng Setyembre na may waiver ng fees.
Dagdag pa ng LTFRB, ang compliance orders, resolutions at decisions na obligadong sundin ng mga PUV driver hanggang sa katapusan ng buwan ay extended hanggang September 30 na may kasamang waiver of penalties.
Paalala naman ng LTFRB na maaari pang magbago ang mga alituntunin base sa kondisyon ng ECQ at MECQ.