Ipinaaalis ni Northern Samar Representative Paul Daza ang singil sa user spectrum fee na ipinapataw ng mga telecommunication companies sa paggamit ng Wi-Fi internet connectivity services.
Sa House Bill 8168 ng kongresista, inaatasan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) na huwag nang patawan ng levy, charge o fee ang mga telco sa paggamit ng Wi-Fi.
Ayon kay Daza, sa kasalukuyang umiiral na polisiya ng NTC masyadong mahal at hindi patas para sa mga maliliit na telcos ang ipinapataw na singil sa Wi-Fi.
Dahil sa mahal na charge sa Wi-Fi service ay hindi na itinutuloy ng mga maliliit na telcos ang pagtatayo ng dagdag na Wi-Fi infrastructure.
Iginiit ng kongresista na ito ang isa sa pangunahing dahilan kaya hindi na napapalakas ang koneksyon o signal ng Wi-Fi at nananatiling mahal ang singil para dito.
Tinukoy pa ng kongresista na ang mga bansang US, Australia, Singapore, South Korea, at Indonesia ay hindi na naniningil ng spectrum users fee sa kanilang Wi-Fi.