Paniningil sa miyembro, bawal – PhilHealth

Mariing kinondena ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang ‘di umano’y paniningil ng isang ospital sa isang pasyente na sumailalim sa SARS-CoV-2 test ngunit sisingilin pa rin sa Ahensiya ang benepisyong nakalaan sa kanila. Ito ay maliwanag na paglabag ng pasilidad sa kanilang performance commitment at may katapat na kaparusahan.

Nilinaw ng PhilHealth na bawal ang paniningil sa miyembro o pasyente dahil karapatan ng miyembro na makamtan ang kanilang benepisyo bago ma-discharge. Hihingin ng PhilHealth ang detalye ng insidenteng ito kay Rep. Bernadette Herrera-Dy na naghayag nito kamakailan.

Ang pakete ng PhilHealth para sa SARS-CoV-2 tests gamit ang RT-PCR ay para sa mga miyembro na kabilang sa mga “at-risk” ayon sa Department of Health gaya ng mga may kritikal/matindi o banayad na sintomas at may relevant history ng travel at/o kontak, nakatatanda at may pre-existing medical conditions; contact-tracers, healthcare workers, nagbabalik na OFWs at locally stranded individuals (LSIs) na kahit walang sintomas ay may relevant history ng travel at/o kontak o mataas na risk ng exposure; frontliners na hindi direktang sangkot sa health care provisions; buntis, nagda-dialysis, chemotherapy at radiotherapy, immunocompromised; nakapiit sa bilangguan at mental institutions.


Kasama rin ang mga naninirahan at nagtatrabaho sa localized area na mayroong positibo sa COVID-19; frontliners sa tourist zones; trabahador sa manufacturing companies at public service providers na naka-rehistro sa economic zones at nasa Special Concern Areas; at economy workers sa transport at logistics; food retail; education; financial services; non-food retail; services; market vendors; construction; water supply, sewerage at waste management; public sector; at mass media.

Ang mga miyembrong kabilang sa mga sub-groups na ito ay hindi dapat singilin pa (no co-payment) ng anuman na kabilang na sa pakete ng PhilHealth, basta’t accredited ang testing facility saan man sa bansa.

Ang mga kwalipikadong miyembro na nagbayad naman ng kanilang tests ay maaaring direktang magsumite ng claim sa PhilHealth.

 

Reference: Rey T. Baleña, Senior Manager, Corporate Communication Department

Mobile No: 09328749417

Facebook Comments