Pakiusap ng mga awtoridad sa ilang bayan sa Pangasinan na ingatan at huwag sirain o guluhin ang mga Christmas display sa mga pampublikong lugar na ipinaskil sa mga plaza at iba pang pampublikong lugar.
Ito ay matapos ang insidente ng nasirang dekorasyon sa bahagi ng Magsaysay Bridge sa Brgy. Herrero-Perez, Dagupan City matapos umanong paglaruan ng ilang kabataan, dahilan upang ipatawag ang mga ito kasama ang kanilang mga magulang upang hindi na humantong sa legal na pananagutan.
Dahil dito, ipinaalala ng Pamahalaang Panglungsod ang responsibilidad ng mga nakatatanda sa pagsunod sa mga alituntunin tulad ng curfew sa mga menor de edad at pagtatakda ng regulasyon sa mga piso-net units na kadalasan naabuso na umano ng ilan.
Samantala, parehong pakiusap din ang inilabas sa bayan naman ng Infanta bilang pagrespeto umano sa pagod at dedikasyon ng mga opisyal at ahensya sa paggawa ng mga dekorasyon at upang mapanatili ang kagandahan ng mga palamuti na nagpapaalala sa kapaskuhan.
Sa kabuuan, magkakasunod ang naging pakulo ng Christmas lighting sa mga bayan sa lalawigan tampok ang iba’t-ibang tema ngunit kaakibat din umano ng dinudumog na pasyalan ang responsibilidad ng bawat residente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









