Nananawagan sina Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan at Senator Risa Hontiveros na tuldukan na ang kultura ng rape at victim-blaming sa ating lipunan.
Ang panawagan ni Pangilinan ay kaakibat ng kaniyang hangad na agarang hustisya sa nasawing flight attendant na si Christine Dacera na hinihinalang biktima rin ng panggagahasa.
Ayon kay Pangilinan, ang sinapit ni Christine ay hindi gawain ng isang matinong tao dahil ang panggagahasa ay isang karahasan, anuman ang dahilan at saanman ito nangyari.
Iginiit ni Pangilinan na ang rape ay nangyayari dahil may mga rapists at wala ito sa damit ng biktima o sa sitwasyong kinabibilangan niya.
Ikinatwiran naman ni Senator Hontiveros na hindi pang-iimbita ng rape ang uri ng damit ng biktima at kapal ng make-up dahil mismong si Maria Clara ay naging biktima rin ng panggagahasa.
Diin ni Hontiveros, hindi kailanman naging karapatan ng lalaki na gahasain ang babae.
Nangangamba rin si Hontiveros na sa patuloy na paninisi sa mga biktima ng rape ay mas lalong dumami ang kaso ng rape at mas lalong dadami ang mga kriminal.