Nagbabala ang Philippine Commission on Women (PCW) sa mga sangkot sa “cheating” o panloloko at pangangaliwa ng kanilang asawa o kasintahan.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni PCW Chairperson Ermelita Valdeavilla na isang uri ng “psychological abuse” ang pangangaliwa at may umiiral nang jurisprudence o desisyon ng korte na nagdeklara sa panloloko at pangangaliwa bilang isang uri ng pang-aabuso sa kaisipan ng niloko o biktima.
Pero kailangan aniyang pagtibayin ito sa pamamagitan ng pagsusumbong o paghahain sa korte ng kaso para mapalakas ang parusa laban sa mga nanloloko ng asawa o kasintahan.
Wala aniyang dapat ikatakot ang mga biktima dahil “gender sensitive” ang mga pulis at korte, kaya makasisiguro na ang kanilang hatol o desisyon sa mga reklamo ay patas at walang pinapanigang kasarian.
Pinayuhan naman ng opisyal ang mga nakararanas ng cheating o panloloko, at iba pang uri ng pang-aabuso na iligtas ang sarili, magsumbong sa mga awtoridad, at subukang magsimula ng panibagong buhay mula sa naranang pang-aabuso.