Panloloko ng Pharmally Pharmaceutical Corp. sa pamahalaan, dapat nang tuldukan ayon sa isang kongresista

Pinatutuldukan ni dating Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang malasindikatong gawain at panloloko ng Pharmally Pharmaceutical Corporation sa gobyerno.

Ito ang iginiit ng kongresista matapos aminin ng isang kinatawan ng Pharmally Pharmaceutical na substandard ang face shield na ibinenta ng pamahalaan matapos nilang palitan ang petsa na nakadikit dito.

Ayon kay Alvarez, ang naturang misrepresentation ng kalidad ng protective equipment bukod pa sa kawalan ng tamang sanitation at handling ng naturang delivery ay maliwanag na panloloko sa pamahalaan.


Binigyang diin nito na hindi makakalusot ang Pharmally sa naturang panloloko kung walang tumutulong o nagtatakip dito na mula rin sa gobyerno.

Dagdag pa ni Alvarez, nakakadismaya na tila bahagi pa ng pamahalaan ang “criminal enterprise” dahil sa aktibong partisipasyon dito kung saan dapat sa panahon ng pandemya ay pinoprotektahan ang mga mamamayan at health care workers.

Ngayong araw naman ay inaasaahang tatapusin na ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang pagdinig sa isyu sa pagbili ng COVID-19 protective equipment sa Pharmally.

Facebook Comments