Inside job…
Ito ang isa sa tinitingnang motibo ng mga pulis sa panloloob ng nasa limang suspek sa isang bangko sa Maynila.
Ayon kay MPD Director, Brigadier General Vicente Danao – inaalam nila kung paano tinangay ang CCTV footages sa loob ng bangko.
Ang kopya ng CCTV na ibinigay sa media ay mula sa barangay.
Kaduda-duda rin kung bakit pinapasok ang mga suspek lalo at sarado pa ang bangko at may mga nakabantay na gwardiya
Inireklamo rin ni Danao kay Manila Mayor Isko Moreno na ilang oras silang hindi pinapasok ng pamunuan ng bangko para makapag-imbestiga dahil sinusunod ng mga ito ang patakaran ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Pero nilinaw ni Danao na ito ay isang isolated case lamang ng bank robbery.
Matatandaang nag-alok na ng pabuya si Mayor Isko ng isang milyong pisong pabuya para sa pagkakahuli ng mga suspek.
Ang Grab Philippines ay naglabas na rin ng 50,000 pesos reward matapos makatanggap ng ulat na isa sa mga suspek na nanloob ay nakasuot ng Grab driver-partners’ jacket.
Samantala, tumanggi ang Metrobank na idetalye kung magkano ang perang nanakaw sa kanila.