PANOORIN: Ostrich, nakitang tumatakbo sa isang subdivision sa QC

COURTESY DINO RIVERA/GORGEOUS UMIPIG

Habang nananatili sa bahay ang maraming tao sa Metro Manila dulot ng modified enhanced community quarantine, tila nag-e-enjoy naman sa labas ang isang ostrich na namataang tumatakbo sa isang pribadong subdivision sa Quezon City.

Agad nag-viral sa social media ang mga video ng ostrich na nasa lansangan ng Mapayapa III Village sa Barangay Pasong Tamo, Martes ng umaga.

Kuwento ng residenteng si Dino Rivera, papunta sana siya sa isang kalapit na tindahan para bumili nang mapansin niya ang hayop na animo’y pagala-gala.


“I have seen weird things in my life but this one ranks up there. Hindi po yan google app ha,” sabi ni Rivera sa Facebook post na umani ng higit 50,000 reactions. 

Sa kuha naman ni Gorgeous Umipig, tila sinubukan ng ostrich na makalabas sa naturang village subalit agad itong naharang sa gate.

Ayon kay Umipig, patungo siya sa bangko nang makita ang ostrich. Nagbiro pa raw ang mga guwardiya na bawal lumabas ang hayop dahil wala itong quarantine pass at valid ID.

Nitong hapon ay nahuli na ang nakawalang ostrich.

Sa isang panayam, sinabi ng pangulo ng homeowners association ng nasabing subdivision na maayos ang kondisyon ng higanteng ibon.

Aniya, pagmamay-ari umano ng isang naninirahan sa lugar ang pinag-uusapang ostrich. Patuloy daw kasing kinukumpuni ang bahay kaya naglagay lamang ng bakod para sa mga hayop.

Facebook Comments