Bagong trick–pero delikado ang natutunan ng isang alagang aso sa Australia: paano magsimula ng apoy.
Binansagan sa social media bilang “Archie the Arsonist” ang French bulldog-Boston terrier mix ni Danielle Danski matapos itong aksidenteng makapagsimula ng sunog sa apartment ng amo sa Melbourne nitong Oktubre 16.
Sa CCTV footage, makikita ang 10-buwan gulang na aso sa sofa na kinakagat-kagat na parang laruan ang isang BBQ lighter na ilang saglit lang ay sumindi.
Sa ulat ng 10 News First, napanood ni Danski sa CCTV ang pagliyab ng kanyang sofa sa bahay at sa pamamagitan ng live security feed, agad niyang naalerto ang mga bumbero bago tuluyang matupok ang buong kuwarto.
Masuwerte namang walang nasaktan sa insidente, ngunit tinatayang $41,000 o P2 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian.
Hindi naman makapaniwala ang commander ng Metropolitan Fire Brigade (MFB) na nagsabing kaiba ito sa mga insidente kung saan nasasagi lang ng mga hayop ang kandila, o iba pang mitsa ng apoy.
Nang makauwi naman daw si Danski, dali-daling tumakbo at tumalon sa mga braso ng amo si Archie.
Kahit na hindi sadya ang apoy, hindi nakaligtas sa parusa ang aso.
Pinalitan ni Danski ang handle ng Instagram account para sa aso ng “Archie_the_arsonist” at nagbahagi pa ng post kaugnay ng insidente: “We’ve had a ruff week!”