Malaking tulong para sa mga Pinoy ang tilaok ng manok lalo na tuwing sasapit ang umaga. Ito kasi ang isa sa itinuturing na pinaka-epektibong alarm clock para sa karamihan.
Bukod sa hindi mo na kailangang mag-set ng oras para magising, kusang babangon ang iyong natutulog na katawang-lupa oras na marinig mo na ang malakas na sigaw ng mga manok.
Ngunit para sa isang estudyanteng si Ammy Jean Evangelio, minsan raw ay masarap na gawing pagkain na lang ang mga manok dahil sa kakulitan ng mga ito, na walang pinipiling oras sa pagtilaok.
Ito ay matapos magviral ang kanyang video sa social media kung saan naghahanda siya para sa kanyang report.
Mapapanood sa video na hindi makapagpraktis si Ammy dahil sa tuwing magsasalita siya ay siya ring pagtilaok ng manok.
Sabi niya sa kanyang caption, “Kanang nag video ka saimong speech, mag apil² sad ang manok sa silingan kalami ihawon🙄😏🤨”
Makikita rin na sa kalagitnaan ng video ay mukhang naiinis na si Ammy hanggang sa itinigil na lang niya ang pagvivideo.
Marami naman ang nagbigay ng komento sa naturang post.
May mga netizens na nagsabi na lutuin na lang ang manok at gawing ulam.
Agad namang umani ng maraming views ang video ni Ammy na pumatok online.