PANOORIN: Cheetah, sumampa sa sasakyan ng mga turista sa safari park

Screengrab from Elisa Jaffe KOMO Facebook video

Higit sa inaasahan ang naging karanasan ng isang grupong namasyal sa safari sa Africa matapos silang lapitan mismo ng mga cheetah.

Halos pigil-hininga ang mga turista nang pasukin ng isang cheetah ang kanilang sasakyan habang naglilibot sa Serengeti.

Kuwento ni Britton Hayes, Amerikanong turista na nasa bidyo, pinanonood lamang nila ang tatlong cheetah nang mapansin ng isa rito ang kanilang sasakyan at saka lumundag sa hood nito.


Habang binabantayan nila ang malaking pusa sa harap, pumasok naman ang isa pa sa bandang likuran na makikita sa bidyo na inaamoy-amoy ang loob ng sasakyan at ngumatngat pa ng headrest ng isang bakanteng upuan.

Sinabi ni Hayes sa Komo News na pinayuhan sila ng tour guide na iwasang tingnan sa mga mata ang cheetah at manatiling kalmado.

Sinubukan niya umanong dahan-dahanin ang paghinga para hindi maramdaman ng hayop ang takot niya.

Umalis din kalaunan ang higanteng pusa at wala namang nasaktan sa grupo.

Sa gulat sa pangyayari, nagtingin lang ng ilang segundo ang mga turista habang papalayo ang cheetah.

Facebook Comments