PANOORIN: Hilaw na ‘zombie’ chicken, gumapang pababa ng lamesa

Nakuhanan sa video ang tila muling pagkabuhay ng isang parte ng manok na nakahain na sa mga customer sa isang restaurant.

Sa video, makikita ang isang plato na may ilang hiwa ng hilaw na manok, isa rito ang animo’y sumubok takasan ang kamatayan sa ikalawang pagkakataon.

Nakunan kasi ang pagkibot nito, at maya-maya ay tuluyan na itong gumapang palabas ng plato at pababa ng lamesa.


Iniupload ang video sa Facebook ng isang Rie Phillips mula sa Florida dalawang linggo na ang nakaraan at ngayon ay mayroon nang apat na milyong views.

Hindi naman nabanggit ng uploader kung saang restaurant ito nakuhanan.

Ilang komento ang nagsabing normal lang ang ganitong pangyayari sa mga sariwang karne.

Anila, sanhi ito ng hindi pa tuluyang namamatay na nerve endings ng hayop.

“Usually because the meat is so fresh the muscles can still move”
“It was so fresh that some of the muscles are still firing off signals.”

Matagal nang napatunayan na kayang mabuhay ng mga manok at patuloy na gumalaw kahit napugutan na ng ulo dahil naka-anggulo nang 45 degrees ang mga utak nito, ayon sa poultry physiologist at neurobiologist.

Noong 1945 nakilala ang manok na tinaguriang “Miracle Mike the Headless Chicken” na nabuhay nang 18 buwan na walang ulo.

Facebook Comments