Hanggang saan ang kaya mong gawin para makasakay ng bus?
Ang ilang pasahero sa Bicutan East Interchange sa lungsod ng Parañaque, umakyat at dumaan na sa bintana ng pampasaherong bus, makapasok lang.
Nakuhan ng netizen na si Danny Jhon Barrios ang kalunos-lunos na sitwasyon ng mga kapwa-commuter bandang alas-sais ng umaga noong Setyembre 10.
Makikitang tumuntong sa concrete barrier ang ilang nakakaawang biyahero at pilit pinagkasya ang katawan nila sa bintana ng JRMS Transport bus.
Agaw-pansin rin ang dami ng tao sa gilid ng bus stop.
Ayon sa Highway Patrol Group na nakasasakop sa SLEX Bicutan Exit, dagsa ang mga biyahero doon mula alas-singko hanggang alas-nuwebe ng umaga.
Ang masaklap pa, jampacked na ng pasahero ang ordinaryong bus pagdating sa naturang lugar.
Hindi ito ang unang beses na nangyari iyon sa kahabaan ng Bicutan Interchange.
Noong nakaraang linggo, naging viral din sa social media ang parehong pamamamaraan ng mga pasahero, makapunta lamang sa kanilang destinasyon.