Tinulungan ng isang lalaki ang mga pulis na mahuli ang hinahabol na shoplifter sa pamamagitan ng pagharang ng kanyang grocery cart sa daan ng kriminal sa Georgia, USA.
Nakaraang buwan pa nangyari ang insidente, ngunit inilabas ng Peachtree City Police Department sa Facebook ang video nitong Pebrero 13, para magpasalamat at magpaalala.
Mapapanood sa naturang bidyo ang kuha mula sa body cam ng isang pulis na tumatakbo habang inuutusang tumigil ang shoplifter na hindi sumunod.
Isang lalaki na tulak-tulak ang mga pinamili ang nakakita sa suspek na tumatakbo sa kanilang direksyon.
Imbis na tumabi, tinulak ng good Samaritan ang kanyang grocery cart sa harap ng kriminal, dahilan para bumangga at madapa ang shoplifter.
Nahuli ng opisyal ang kriminal, at tinulungan naman ng tatlo pang pulis ang lalaki na damputin ang nagkalat niyang groceries.
Sa post ng awtoridad, sinabi nilang bagaman nagpapasalamat sila sa ginawa ng sibilyan, hindi nila hinihimok ang publiko na mamagitan sa mga operasyon ng pulis.
“Again, while we are eternally grateful for this citizen’s quick thinking and impeccable timing, we never encourage anybody to intervene in a police situation,” anila.
“If the decision is made to do so, please consider the safety of yourself and all those around you as a priority,” dagdag ng awtoridad.
Kinilala kalaunan ang shoplifter na si Marcus Smith, 41, na sinampahan din ng kasong obstruction, iniulat ng Fox News.