PANOORIN: Lalaki sa US, naaktuhang lumalangoy sa aquarium ng isang store

(Screenshot from @ReporterTimmy Twitter video)

LOUISIANA, US – Arestado ang isang lalaki matapos maaktuhang lumalangoy sa isang indoor aquarium sa isang store sa Bossier City.

Sa report ng KTAL-TV, nasampahan ng reklamong criminal damage to property na itinuturing na misdemeanor si Kevin Wise, 26, makaraang nagviral online ang kanyang video.

Sa Twitter post ni @ReporterTimmy, mapapanood si Wise habang nagpapalangoy-langoy sa aquarium sa Bass Pro Shops na tila nasa isang swimming pool.


Aniya, “A guy went for a swim in the Bass Pro SHop fish tank. He left behind his Coronavirus mask and hat. This happened at the Louisiana Boardwalk located in Bossier City.”

Ang babae naman na kumukuha ng video ay gulat na gulat pa habang kinukuhanan ang suspek hanggang sa makababa ito sa tangke sabay takbo papalayo.

Ayon ng Bossier City Police Department, tinalon umano ng suspek ang higanteng fish tank bilang bahagi ng kanyang TikTok stunt.

Kung makakakuha raw siya ng 2K likes sa naturang app ay tatalon at lalangoy siya sa tangke.

Agad namang inaresto si Wise nang maghain ng reklamo ang naturang shop na tukoy namang magkakaroon ng gagastusing halaga para ipalinis ang tangke matapos ang ginawang stunt ng suspek.

Facebook Comments