Nagdulot ng pangamba sa mga residente ang balitang ninakaw ng mga unggoy ang blood samples ng COVID-19 patients sa isang medical college sa Uttar Pradesh, Northern India.
Batay sa ulat ng Reuters, inatake ng isang grupo ng unggoy ang laboratory technician na may dala ng samples habang naglalakad sa Meerut Medical College noong Huwebes.
Tinangay ng mga hayop ang kahon na naglalaman ng samples mula sa apat na pasyenteng ginagamot sa COVID-19, dinala sa puno at saka itinapon matapos ngatain ang balot.
Meerut: Monkey run away with #corona test samples, locals fear spread of infection. #IndiaFightsCoronavirus pic.twitter.com/Mpe9tuR3H6
— Sanjay Jha (@JhaSanjay07) May 29, 2020
Iginiit naman ni S.K Garg, head ng ospital, na blood samples ang mga nadali at hindi swab na karaniwang kinukuha sa pasyente.
Kinumpirma rin ng medical superintendent na walang indibidwal na napalapit sa mga sample at maayos na narekober ang mga ito.
Na-sanitize na rin umano ang lugar ng insidente.
Sa kasalukuyan, may 7,170 kumpirmadong kaso na ng COVID-19 sa Uttar Pradesh.