PANOORIN: Pusa, iniligtas ang 1-anyos bata mula sa pagkakahulog sa hagdan

Screengrab from DLore Alvarez' video on Facebook group Fundación Gatos Bogotanos en Adopción

BOGOTA, Colombia — Itinuring na bayani ang isang pusa matapos nitong mapigilan ang muntikang pagkahulog ng 1-taon gulang na bata sa hagdan.

Nadiskubre ng nanay na si Diana Lorena Alvarez ang kabayanihan ng alagang si Gatubela nang mapanood niya ang insidente sa kanilang security camera noong Oktubre 31.

Ayon sa 27-anyos na ina, inilagay niya muna sa kuna si Samuel na natutulog pa noong umuwi siya nang umaga.


Hindi pa raw nakalalayo si Alvarez nang mapagtanto niyang nagising ang anak at nakalabas mag-isa sa kuna.

Kaya naman naisipan niyang balikan ang recording para alamin ang nangyari at saka na nadiskubre ang pagsagip ni Gatubela.

Unang ibinahagi ni Alvarez ang video sa Facebook group ng Fundación Gatos Bogotanos en Adopción, cat rescue at adoption center sa Bogota noong Nobyembre 2.

Mapapanood sa video, na kumalat na rin sa iba’t-ibang page, ang paglabas ni Samuel sa kuna at paggapang sa pintuang diretso sa hagdan.

Habang papalapit sa pinto, agad tumalon mula sa sofa si Gatubela at tumakbo palapit sa bata.

Makikitang kumakapit ang pusa sa baywang ng paslit at saka ito itinulak palayo sa hagdan.

Napigilan ng alaga si Samuel na bumalik na lang palapit sa kanyang kuna.

Bukod sa video, ibinahagi rin ni Alvarez ang litrato ni Gatubela at ng hagdanan kung saan muntik nang mahulog ang anak.

“If it had not been for the cat my son would have rolled down the stairs. Watching the footage, I felt really surprised and lucky,” ani Alvarez sa Metro.

Facebook Comments