PANOORIN: Syrian YouTuber, naghandog ng 1K kumot, tent para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao

(Photo: The Hungry Syrian Wanderer Facebook)

Namahagi ng tulong ang isang Syrian youtuber sa pamamagitan ng pagbili ng 1,000 kumot at tent para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.

Sa latest vlog ni Basel Manadil, ikinuwento niya na nais niyang tumulong matapos ang sunud-sunod na pagyanig ng lindol sa naturang lugar na kumitil ng 23 katao at nag-iwan ng libu-libong pinsala.

Mapapanood sa kanyang vlog ang pagpunta niya sa Caloocan mula Las Piñas at dito ay pinakyaw niya ang mga kumot at trapal para ibigay sa daan-daang pamilya.


Para sa kanya, nais niya ring tulungan ang mga tinderang may maliliit na tindahan kaysa bumili sa mga malls.

Makikita rin ang pagkakaroon ng pusong Pinoy ni Manadil dahil sa kanyang caption sa facebook post sinabi niyang, “LINDOL KA LANG, FILIPINO KAME 💪🇵🇭 HELP UNTIL IT HURTS – your Basel Boy 😂”

“My heart is with you and we’re sending you prayers every day,” sabi niya sa mga biktima ng sakuna kasabay ng pangakong magpapadala rin siya ng sako-sakong bigas at pagkain.

Samantala, nakilala si Mandali sa pangalang “The Hungry Syrian Wanderer” at hindi ito ang kauna-unahan niyang tulong sa mga Pilipino.

Nakilala siya mula sa pamimigay ng libu-libong kendi sa mga batang Pinoy, hanggang sa pamimigay ng tulong sa mga nasunugan, at pagbili ng grocery para sa isang estranghero.

Limang taon nang naninirahan sa bansa si Mandali at para sa kanya, sa mahabang panahon na iyon ay natutunan niyang yakapin at mahalin ang kultura ng Pilipinas.

Facebook Comments