Muling pinalawig ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang pansamantalang total ban sa pagpasok sa lalawigan ng mga live swine at poultry products mula sa lahat ng lungsod at munisipalidad na may kumpirmadong kabilang sa red zone mula July 1 hanggang September 30, 2023.
Ang nasabing extension ng temporary total ban ay opisyal na idineklara sa pamamagitan ng dalawang magkahiwalay na Executive Orders (EOs)– EO No. 0058 at EO No. 0059 na nilagdaan ni Gobernador Ramon V. Guico III noong Hunyo 23, 2023.
Matatandaan kasi na may mga lumabas kamakailang datos ang Bureau of Animal Industry na may mga naiulat na kaso ng African Swine Fever (ASF) sa lalawigan, partikular na sa mga bayan ng Anda at Bolinao at sa Alaminos City.
Ito ang nag-udyok sa pamahalaang panlalawigan na agad na tugunan ang isyu sa pamamagitan ng pagpapalawig ng pansamantalang kabuuang pagbabawal sa loob ng tatlong buwan.
Kasabay nito, pinalawig ng utos ang pansamantalang kabuuang pagbabawal sa pagpasok ng lahat ng itik, pugo, inahing manok (na-culled), hatching eggs, kalapati, gamefowls, ready to lay pullet (RTL), at mga paghihigpit sa paggalaw ng iba pang manok, poultry birds at by-products mula sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna, Sultan Kudarat, Benguet, North Cotabato, South Cotabato, Maguindanao, Isabela, Quezon, Kalinga, Aurora, Ilocos Norte, Capiz at Batangas.
Ito ay upang mapigilan ang pagpasok ng Avian influenza virus sa lalawigan matapos makumpirma ang mga naiulat na kaso sa ilang kalapit na lalawigan.
Samantala, patuloy naman ang ginagawang measures at pagmomonitor ng Office of the Provincial Veterinary ng Pangasinan sa mga Animal Quarantine Checkpoints sa lalawigan upang ito matiyak na ang lahat ng mga kargamentong dumadaan dito ay masusing sinisiyasat at maberipika bilang pagsunod sa mga umiiral na kautusan ng pamahalaan ng Pangasinan. |ifmnews
Facebook Comments