Nais ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na rebisahin o i-review ang kasalukuyang pagbubuwis sa bigas.
Ayon kay Balisacan na ito ay para makatulong na mapababa ang presyo ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino.
Giit ni Balisacan, maaaring magpatupad muna ng pansamantala at calibrated na pagbabawas sa buwis sa bigas upang mabalanse ang pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan at maibsan ang epekto nito sa mga consumer o mamimili.
Una nang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang tatlong taong food logistics action agenda ng Department of Trade and Industry (DTI).
Layunin nitong masiguro ang rasonable, accessible at abot kayang pagkain sa publiko sa pamamagitan ng pag-upgrade sa mga food terminal at makapag-develop ng episyenteng logistics system.
Naniniwala naman si Balisacan na malalagpasan ng bansa ang mga hamon mula sa domestic at international factors kasabay ng pagbabantay sa interes ng mga consumer at producer.