Pansamantalang pagpapasara ng ilang mga tindahan ng lechon sa La Loma, Quezon City, ikinalungkot ng mga may-ari at kanilang mga trabahante

Wala nang parada ng mga lechon sa labas ng mga tindahan sa La Loma, Quezon City matapos na ipatupad ng Quezon City Government ang temporary closure matapos na may magpositibong baboy sa African Swine Fever.

Ayon kay Wilmer Atandido, isa mga matansero ay lubos na naapektuhan ang kanilang trabaho dahil sa pag-sasara.

Aniya, malaking kawalan ito sa kanila dahil bukod sa pagsasara, wala silang trabaho sa mga pagkakataong ito.

Samantala, sa mga nakausap nating mga may-ari ng lechon, maituturing na dagok ito sa kanilang negosyo dahil bukod sa walang kita, hindi rin nila alam kung saan sila kukuha ng pampasweldo sa kanilang nga trabahante.

Dahil din sa nangyaring pagsasara, ilan sa mga online reservation din nila ay kanila munang kinansela.

Dagdag pa nila, dahil sa pansamantalang pagsasara, posibleng mas tumaas pa ang presyo ng lechon.

Panawagan naman nila na sana ay payagan na silang muling makapagbukas ngayong nalalapit na December kung saan dagsa ang mamimili at reservation.

Facebook Comments