Pansamantalang pagpapatira sa bansa ng mga Afghan nationals, hindi ‘security risk’ ayon kay Sen. Francis Tolentino

Walang nakikitang panganib si Senator Francis Tolentino sa pansamantalang pagpapatuloy sa Pilipinas ng mga Afghan special immigrants.

Ayon kay Tolentino, Vice Chairman ng Committee on Foreign Relations, hindi niya nakikita na ‘security risk’ ang pagkakaloob ng temporary housing ng bansa sa mga Afghan nationals dahil bago naman payagang makapasok ang mga ito sa Pilipinas ay maingat silang sinala at sinuri ng Estados Unidos at United Nations (UN).

Paliwanag pa ng senador, ang mga Afghan nationals ay naka-confine lang sa isang lugar ibig sabihin mananatili lamang ang mga dayuhan sa isang lugar at hindi makalalabas hanggat hindi natatapos ang pagpoproseso ng kanilang mga visa.


Mahaba na rin aniya ang 90 araw na mananatili sa bansa ang mga Afghans.

Tutol ang mambabatas na iniuugnay sa isyu ng soberenya ang pagho-host ng bansa sa mga Afghan refugees sabay giit na ang pamahalaan ay hindi dinidiktahan ng ibang bansa at tayo mismo ang tumutukoy kung ilan ang papayagang pumasok sa bansa.

Ipinunto pa ni Tolentino na ang temporary housing ng Pilipinas sa mga Afghans ay legal salig na rin sa UN Declaration of Human Rights, International Humanitarian Law, at ng Konstitusyon.

Kasabay pa nito ay tiniyak ni Tolentino na walang gagastusin ang ating gobyerno sa temporary hosting ng mga Afghan nationals at lahat ng gastos ay sagot ng United States (US) at ng UN High Commission on Refugees.

Facebook Comments