Hiniling ni Deputy Speaker Bernadette Herrera sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno ang muling pagbuhay at pagpapalawig ng “Pantawid Kuryente Program”.
Partikular na iniapela ni Herrera ang panawagan na ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Energy Regulatory Commission (ERC), National Electrification Administration (NEA), Department of Energy (DOE) at Department of Finance (DOF).
Hirit ni Herrera, bukod sa mga “lifeline consumers” o mga households na kumukunsumo ng 100 kilowatts per hour pababa ay isama na rin sa Pantawid Kuryente Program ang mga consumers na may kunsumo ng kuryente kada-buwan na 200 kw/h pababa.
Ito ang inirekomenda ng lady solon upang maibsan ang pinansyal na krisis ng mga consumers sa Metro Manila at iba pang lugar na nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Maaari aniyang ibigay ang diskwento sa kuryente sa pamamagitan ng electronic vouchers na direktang ipapadala sa account ng consumers sa National Capital Region at Modified Enhanced Community Quarantine areas.
Inihalimbawa ng kongresista na maaaring bigyan ng isang buwang na 100% discount ang mga consumers na may bill na 50 kwh per month; 75% naman sa mga gumagamit ng kuryente na 100 kw/h kada-buwan; 50% sa mga kumukunsumo ng 150 kw/h per month; at 25% sa mga 200 kw/h kada-buwan naman na kunsumo.
Maaari din aniyang magtakda ang DOF ng iba’t ibang scale ng diskwento sa kuryente depende sa available na pondo ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Herrera, maski ang Local Government Unit (LGU) ay maaaring magbigay ng ayuda sa mga constituents sa pamamagitan ng electricity electronic vouchers mula P500 hanggang P2,000 depende pa rin sa available na pondo ng lokal na pamahalaan.