“Pantawid sa walang pasada” para sa mga tsuper na hindi makabyahe dahil sa community quarantine, hiling ng isang senador

Iminungkahi ni Senator Grace Poe na gamitin ang pondo ng Department of Transportation (DOTr) na umaabot sa P17 bilyon upang matulungan ang mga pampublikong tsuper na naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Punto ni Poe, nauna nang sinuspinde ng Malacañang ang lahat ng pampublikong transportasyon sa buong Luzon na sinundan ng ibang mga probinsya upang mahigpit na maipatupad ang social distancing at mapigilan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19.

Sabi ni Poe, apektado nito ang umaabot sa 130,000 mga jeepney driver, habang mayroon naman 65,000 na tsuper na kabilang sa transport network vehicle service sa buong bansa.


Sa Kalakhang Maynila lamang aniya ay humigit-kumulang sa 13,000 ang mga bus driver at 47,000 naman ang namamasada ng motorcycle taxi.

Mungkahi ni Poe, ang pondo na pangtayo dapat ng proyekto ay makabubuting ipamigay na o ipambili na lang ng pagkain ng mga drayber ng mga pampublikong sasakyan.

Facebook Comments