Pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7407 o People’s Participation in the National Budget Process Act.
Sa botong 200 na sang-ayon at wala namang tumutol ay nakalusot na sa plenaryo ng Kamara ang panukalang batas na nagsusulong ng transparency sa proseso ng pagtalakay at pag-apruba ng budget.
Sa ilalim ng panukala ay gagawing participatory ang proseso kung saan maaaring makalahok sa deliberasyon ng pambansang pondo ang mga grassroots organization.
Pinapayagan ng panukala ang publiko na magbigay ng desisyon sa proseso ng pag-apruba ng pondo na magiging daan para matiyak ang accountability at paggamit sa taxpayer’s money.
Uupo rin ang mga ito bilang resource persons sa budget deliberations sa Kongreso at mag-o-observe sa bicameral conference committee meetings.
Nauna nang sinabi ni House Committee on People’s Participation at San Jose Del Monte City Rep. Florida “Rida” Robes na sa ganitong paraan ay magkakaroon ng boses ang publiko kung paano dapat gastusin ang pondong ipinapasa ng Kongreso at matitiyak na tumutugon ito sa pangangailangan ng mga Pilipino.