Isinusulong sa Kamara ang panukala na layong protektahan ang mga empleyado at ang mga opisina o lugar na pinagtatrabahuan laban sa anumang klase ng bullying.
Sa House Bill 10445 o panukalang “Anti-Office Bullying Act” na inihain ni Paranaque Rep. Joy Myra Tambunting, tinitiyak dito ang karapatan, proteksyon at dignidad sa lahat ng “work environments” sa pamamagitan ng paglalatag ng lahat ng mga tanggapan, sa gobyerno man o non-government, ng mga anti-bullying policies na magbibigay solusyon para masolusyunan ang office bullying.
Ilan sa mga tinukoy na porma ng office bullying ay pisikal, emosyonal, at mental.
Maaari ring maituring na bullying ang “name calling” o kaya’y masasamang komento sa sinumang empleyado nang dahil sa kanyang itsura o pananamit gayundin ang cyber-bullying pagpapakalat ng” fake news” at mga tsismis.
Napuna pa sa panukala na maraming opisina ang binabalewala ang ganitong porma ng bullying na nakakaapekto sa “overall productivity” ng biktima.
Kapag naging ganap na batas, magkakaroon din ng sistema ng pagrereport ng anumang uri ng bullying na kailangang maimbestigahan at mapapatawan naman ng “disciplinary administrative action” ang mapapatunayang nambully.
Ang mga nabanggit ay isasama sa handbook ng mga opisina, o ipapaskil sa mga tanggapan o sa website.