Panukala laban sa child marriage, pinapaaprubahan na sa Kamara

Pinamamadali ni Bagong Henerasyon Party list Rep. Bernadette Herrera ang consolidation at pag-apruba sa tatlong panukala laban sa child marriages.

Ayon kay Herrera na isa sa may-akda ng panukala, umapela siya sa House Committee on the Welfare of Children at sa liderato ng Kamara na pabilisin ang pag-apruba sa anti-child marriage measures upang maisalang ito agad sa bicameral conference committee sa oras na magbukas muli ang sesyon.

Sa ilalim ng panukala na nagbabawal sa child marriage ay papatawan ng mabigat na parusa ang mga lalabag dito.


Nakasaad sa House Bill 1486 ni Herrera na idedeklarang iligal ang lahat ng child marriages mula sa simula, ibig sabihin kahit ang mga child marriages na ginawa na wala pa ang batas ay kasama rin sa mga ipapadeklarang invalid o walang bisa.

Magmula pa noong 16th Congress ay isinusulong na ang anti-child marriage at umaasa ang mga may-akdang kongresista na sa 18th Congress ay may pagkakataon na maisabatas ito upang maisalba ang mga kabataan, mapababae o lalaki na naiipit sa maagang pag-aasawa at pagpapakasal.

Ang child marriage aniya ay isang fundamental human rights violation dahil nagdudulot ito ng negative impact sa kalusugan, development, decision-making at minsan ay nauuwi sa mga pang-aabuso sa mga kabataan.

Facebook Comments