May nakikitang batayan ngayon si Committee on National Defense and Security Chairman Senator Panfilo “Ping” Lacson para ikonsidera ang mga mungkahi na i-criminalize ang red-tagging.
Dahil dito ay inatasan ni Lacson ang Secretariat ng Committee na repasuhin ang final draft ng committee report ukol sa ginawa nilang serye ng imbestigasyon sa red-tagging.
Ang hakbang ni Lacson ay makaraang lumabas na ang listahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga naging miyembro ng New People’s Army (NPA) na diumano’y nahuli o napatay sa pakikipagsagupa sa militar ay buhay at malaya pa pala.
Pinagsusumite rin ni Lacson ang AFP ng karagdagang dokumento para ma-validate ang mga student activist na pinangalanan ng AFP at ng kanilang mga iprinisintang testigo na umano’y miyembro ng NPA sa hearing ng Senado ukol sa red-tagging.
Kasabay nito ay pinapatiyak din ni Lacson sa AFP na makakastigo ang sinumang direktang responsable sa palpak na listahan ng mga UP graduate na umano’y miyembro ng NPA at naaresto o napatay sa combat operations.