Sa botong pabor ng 198 na mga mababatas at walang tumutol ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukala na gawing regular non-working holiday ang national election sa bansa.
Ito ay ang House Bill No. 8187 na mag-aamyenda sa Section 26, Chapter 7, Book I ng Executive Order No. 292, o “The Administrative Code of 1987”, kung saan nakasaad ang kasalukuyang 12 regular holiday at dalawang nationwide special days.
Sa ilalim ng panukala ay kabilang sa maituturing na ‘national elections’ ang plebisito, referendum, people’s initiative, recall election, special election, regional elections, at iba pang kahalintulad na botohang pang nasyunal.
Nakakatiyak si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na kapag naisabatas ang panukala ay mahihikayat nito ang mas maraming mga Pilipino sa bansa na bumoto.