Panukala na huwag buwisan ang rewards at donasyon para sa mga atleta, aprubado na sa committee level ng Kamara

Inaprubahan na ng Ways and Means Committee ang House Bill 421 na nagsusulong na huwag nang patawan ng buwis ang reward para sa mga atleta at coach na kumatawan o nanalo sa international sports competition gayundin ang donasyon para sa kanilang training sa loob ng isang taon.

Kasama rin na pinapa-exempt sa buwis ang mga donasyon sa Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission (PSC) para sa pangmatagalang pagsasanay ng mga ating mga atelta.

Ang naturang panukala ng chairman ng komite na si Albay 2nd District Representative Joey Sarte Salceda ay hango sa panukalang Hidilyn Diaz Law na kanya ding inihain noong 18th Congress pero hindi lumusot sa Senado.


Ang pag-apruba sa panukala ay kasunod ng tagumpay ni Carlos Yulo na nakakuha ng dalawang ginto sa ginaganap ngayong 2024 Summer Olympic Games sa Paris, France.

Ayon kay Salceda, ang tax exemption ay malaking tulong sa mga atleta na maraming taon ang binubuno para magtagumpay at magbigay ng karangalan sa bansa at mamamayang Pilipino.

Facebook Comments