Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong ilibre sa buwis ang lahat ng kompensasyon ng mga guro na magsisilbi sa national at local elections.
Sa viva voce voting, inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 9652 na siningitan ng probisyon na aamyenda sa National Internal Revenue Code of 1997.
Kapag ganap nang naisabatas ay hindi na papatawan ng buwis ang honoraria, travel allowance at iba pang benepisyong ipinagkakaloob sa mga Board of Election Inspectors at iba pang magsisilbi sa halalan.
Ayon kay ACT Teachers PL Rep. France Castro, pangunahing may-akda ng bill, nararapat lang na hindi na buwisan ang honoraria at allowances ng volunteer poll workers.
Aniya, kadalasang kulang pa ito sa kanilang panggastos dahil ang kanilang trabaho ay nagsisimula bago pa man ang eleksyon at lumalawig pa pagkatapos ng botohan.