Pinagtibay na ng Kamara ang panukalang itaas sa P1,000 ang pensyon ng mga indigent senior citizens.
Kasunod na rin ito ng pag-adopt ng Kamara sa Senate Bill 2506 bilang amyenda sa House Bill 9459.
Dahil dito, hindi na dadaan sa pagbusisi ng bicameral conference committee ang panukala at diretso na ito sa tanggapan ng pangulo para malagdaan at tuluyang maisabatas.
Sa ilalim ng inaprubahang panukala ay itinataas sa P1,000 ang buwanang social pension ng mga mahihirap na senior citizen mula sa kasalukuyang P500.
Nakasaad pa sa panukalang batas na bukod sa cash payout ay maaaring kunin ang social pension sa iba paraan tulad sa e-wallet kung saan hindi babawasan ang mga benepisyaryo ng transaction fee.
Ang implementasyon, distribusyon at pamamahala ng pension ay ililipat na rin mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) papunta sa National Commission of Senior Citizens.