Panukala na layong patawan ng buwis ang mga non-resident digital service provider, tinalakay na sa plenaryo ng Senado

Isinalang na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na layong patawan ng value-added tax (VAT) ang mga non-resident digital service providers.

Tinukoy ni Senator Sherwin Gatchalian, sponsor ng Senate Bill 2528, na sa kasalukuyang tax code ng bansa ay itinatakda ang pagpapataw ng buwis sa mga serbisyong iniaalok sa Pilipinas at kabilang na rito ang mga digital service provider.

Gayunman, hindi malinaw sa batas ang pangongolekta ng buwis sa mga non-resident o mga dayuhanag service provider kaya hindi ito maipatupad ng pamahalaan.


Ang mga non-resident digital service provider na ito ay mga foreign platform tulad ng Netflix at HBO Go at iba pa na hindi nakokolektahan ng VAT ng gobyerno.

Giit ng senador, bukod sa hindi ito patas para sa mga lokal na negosyo sa Pilipinas ay napipigilan nito ang pamahalaan na makolekta ang tamang buwis mula sa lumalagong digital economy.

Oras na maisabatas ay tinatayang makapagbibigay ng dagdag na ₱83.3 billion na dagdag na kita sa pamahalaan ang VAT mula sa mga dayuhang digital service mula 2024 hanggang 2028.

Facebook Comments